sa pagdiriwang ng buwan ng wika

Ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang "Buwan ng Wika" tuwing Agosto. Ito ang isa sa mga pagkakataon taon-taon para maipagmalaki at mapayaman ang pambansang wika ng Pilipinas, ang Filipino. Kaya't bago matapos ang buwan na ito, naisip kong maiba naman at magsulat gamit ang pambansang wika.

Magandang pagkakataon din ito upang isulat ang aking naiisip tungkol sa sanaysay na nilathala ni Ginoong James Soriano na lumabas sa Manila Bulletin kamakailan (makikita ito dito). Ako man ay napatigil matapos mabasa ito; bagama't maganda ang paksa at ang panimula ng artikulo, hindi naging maingat ang manunulat sa pagpapahayag ng kanyang mensahe.

Ayon sa kanyang sanaysay na pinamagatang Language, learning, identity, privilege, Ingles ang wika na kanyang kinamalayan, wika na kanyang kinasanayan sa paaralan, at wika na ginagamit sa trabaho. Dahil dito, Ingles ang kanyang tinuturing na inang wika. Sa kabilang dako, ang Filipino naman daw ang wika ng pagkakakilanlan. Ito ang wika na kailangan niyang gamitin upang maintindihan siya ng mga taong itinuturing niyang may mas mababang antas kesa sa kanya... mga taong kabilang sa lipunan ng malalansang isda.

Pinagdaanan ko din ang ilan sa mga naranasan niya sa kanyang paglaki: Ingles sa mga aklat, sa palabas sa telebisyon, sa paaralan... ngunit hindi ako sang-ayon sa kanyang pananaw. Para sa akin, pantay ang dalawang wikang ito. Pareho silang ginagamit araw-araw. Pareho nila pinapayaman ang kulturang Pilipino.

Ang Ingles ay ang ginagamit ng mga Pilipino sa larangan ng agham at sa malawakang pangangalakal; ito ang pangalawang opisyal na wika sa ating bansa. Ito ang wika ng mga pangkasalukuyang ilustrado. Ito ay wikang tinuturing na natatangi. Totoong may lamang ang mga marurunong gumamit ng Ingles sa pakikiharap sa ibang tao, lalo sa mga banyaga. Ngunit, sa dami ng Pilipino na nakakasalita at nakakasulat sa Ingles (at mababa pa rin ang tingin sa sarili nila), ang totoong kalamangan ng nakapag-aral ay hindi ang wikang gamit nila sa paaralan kundi ang kaalamang maibabahagi nila sa iba.

Filipino naman ang madalas ginagamit sa mas impormal na pakikipagtalastasan (lalo sa Luzon); ito'y isa sa mga lengua franca sa Pilipinas. Dahil dito, maaari ngang maging mababa ang tingin sa Filipino ng mga taong hindi sapat ang pag-aaral sa wikang ito at hindi nagkaroon ng wastong pagkakataon na gamitin ito (mga tulad ni G. Soriano). Ngunit kung naging mag-aaral siya ni Dr. Ruben Aspiras sa UPLB, nakita niya sana na marami nang tema sa agham ang itinuturo sa Filipino. Mahirap aralin, totoo, lalo't ang mga sangguniang babasahin ay nakasulat sa Ingles. Balang araw, kapag sapat na mayaman na ang wikang Filipino, baka makita na ito bilang wika ng kaalamang agham. Kung naging mag-aaral naman siya ni G. Rodel dela Torre sa Mataas na Paaralang Rural ng UPLB, nagkaroon sana siya ng mas malalim na pagunawa sa balarilang Filipino at sa iba ibang wika pa sa Pilipinas.

Hindi mababang uri ng wika ang Filipino. Mahina pa ito sa larangan ng agham, ngunit mayaman na ito sa mundo ng panitikan. Napatunayan ito ng mga mabubulaklak na salita ni Francisco Balagtas sa Florante at Laura at ni Huseng Sisiw sa Ibong Adarna. Nabasa na ito sa mga makukulay na salin sa Filipino ni Virgilio Almario ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal. Nakaantig na ito ng damdamin sa mga kanta nila Rey Valera, Ogie Alcasid, at Ryan Cayabyab.

Kay G. James Soriano, pinag-isip mo kami. Salamat dahil binuksan ng sanaysay mo ang kamalayan at inumpisahan nito ang talakayan tungkol sa mga suliranin ng mga pambansang wika natin at tungkol sa colonial mentality na buhay pa rin sa lipunan.

Comments

Popular posts from this blog

Skyflakes

10 things I learned while driving on Marcos Highway to Baguio City

Surat Mangyan